Para sa iyo kasamang Lordei,
Ngayon ko lang napansin na kasama pala kita sa cover photo ng timeline ko sa facebook. Letrato ito noong pumunta tayo sa Hacienda Looc. Unang beses kong makipamuhay sa mga magsasaka. Unang beses kong narinig ang mga kwento nila. Unang beses rin kitang nakasama at nakakwentuhan nang matagal- tagal.
Kilala kita bilang isang orgmate ko lamang sa CNS. Nakikita lang kita sa mga rally o kaya nama’y sa minsanang General Assembly ng ating organisasyon. Bukod pa doon, wala na akong alam pang iba. Ngunit noong unang araw natin sa Hacienda Looc, hindi ko akalaing marami pala akong malalamang bagay na tungkol sa iyo. First year college ka pala narekrut sa CNS. Hindi ka nagdalawang isip na ikwento sa akin ang iyong mga karanasan, ang iyong mga kamalian, ang iyong pag- unlad. Noong araw ding iyon, humanga na ako sa iyo.
Sa unang gabi natin, itinulak mo akong ibahagi kina Biel ang natutunan ko mula sa buko. Nalilito kasi sila kung ano ang sentralismo. Kaya pala tinatawag ka nila Matt na mommy dahil marunong kang manghikayat at magsanay ng mga kasama na magsalita kahit kaya mo naman itong ipaliwanag sa kanila. Marami tayong napagkwentuhan at halos hindi ko na rin maalala. Basta ang alam ko lang binusog mo ako ng mga karanasan at aral sa pagkilos.
Kinaumagahan, ako ang nakatakdang magturo ng eskum kabataan. Unang beses na naman ito para sa akin na magturo sa mga lokal. Sabi ko sa iyo, “ikaw na lang”. Sagot mo, “Hindi. Kaya mo yan. Sayang naman ng pinag- aralan mo kagabi.” Nasa likod lang kita habang nagtuturo, tagasalo sa mga oras na nasasabaw ako. Nakangiti ka lang at nakikinig. Mas lalong lumakas ang loob ko.
Naging magkagrupo tayo para sa pagtatanghal. Naiinis ka dahil ayaw mong sumayaw. Lahat na ata ng palusot ginawa mo para lang hindi tayo gumalaw ala- Sinagbayan. Sa huli, ikaw na naman ang nagwagi tulad ng pagwawagi mo sa mga away-biro ninyo ni Pepi. Lumipas ang araw na nagpapraktis lang tayo. Nagturuan pa tayong tumalon na parang ninja at nagtulungan na kabisaduhin ang linya ng tula na ating itinanghal. Pinagsaluhan natin ang mga tawanan at asaran.
Ngayon, nakapanlulumo ang nangyari sa iyo. May pagkakataong gusto kong umiyak at sugurin sa kulungan ang kriminal. Lagi kong tinatanong sa sarili ko kung bakit ikaw pa. Pero hindi sapat ang panlulumo. Kailangan ding umaksyon. Hindi sapat na isisi ang lahat sa dalawa o tatlong lalaki na nanakit sa iyo dahil biktima rin sila ng bulok na sistema. At tulad ng lagi nating ipinaglalaban, iugnay ang isyung kinakaharap natin sa iba pang sektor ng lipunan. Hindi sapat ang pagmumukmok o awa dahil kailangan din naming magpalakas, magpalawak at magpakatatag sa mga hamon. Alam kong matutuwa ka kapag nalaman mo sa iyong paggising na marami nang bagong rekrut ang CNS.
Lumaban ka Lordei! Maraming naghihintay sa iyo, hindi lang kaming mga kaibigan mo pati na rin ang mga manggagawa sa Pentagon at higit sa lahat, ang masa. Huwag kang susuko! LABAN!
-
goddessirene reblogged this from denziesrants
-
goddessirene liked this
-
denziesrants reblogged this from vinciboy
-
peachtreebug liked this
-
vinciboy reblogged this from gumisingkakabataan
-
vinciboy liked this
-
gumisingkakabataan posted this